Usapang Goiter: Alin ang Fake News, Alin ang Totoo?

Usapang Goiter: Alin ang Fake News, Alin ang Totoo?
Daryl Jade T. Dagang, MD
Jasper Philip T. Dagang, MD
___
Drs. Jasper Philip and Daryl Jade are siblings who graduated as batchmates at the University of the Philippines, College of Medicine in 2010.
Jasper is an otolaryngologist and a head-and-neck surgeon, whereas, Daryl is an internal medicine specialist and an endocrinologist. Both are practicing in their hometown –
Tboli, South Cotabato, serving mostly the Tboli tribe. The tandem gets a number of patients with thyroid disorders coming from the different provinces of Southern Mindanao.
Jasper, being the surgeon, does the thyroidectomies while Daryl takes care of the medical management.
______
Ang thyroid gland ay isang glandulang hugis paru-paro na nasa harap ng ating leeg. Ito ay mahalaga sapagkat ito ang gumagawa ng thyroid hormones na nagkokontrol ng ating metabolismo.
______
Ang normal na thyroid ay manipis at kadalasang hindi nakakapa. Ang lumalaking thyroid ay tinatawag na goiter; maraming klase ang goiter–mayroong diffuse toxic goiter o Graves’ disease, goitrous Hashimoto’s thyroiditis, thyroid nodules, thyroid cancer at iba pa. Kulang-kulang siyam na milyong Pilipino ang may problema sa thyroid (8.53% ng 105 milyong populasyon) ayun sa pinakahuling survey. Bilang isang endocrinologist, madalas akong makatanggap ng pasyenteng may problema sa thyroid o may goiter. Iba-iba ang dahilan ng pagpapakonsulta, subalit; kadalasan ito ay dahil sa bukol na kanilang nasasalat sa leeg o di kaya lumalaking leeg na napapansin ng mga kamag-anak at sinabihang magpatingin sa doktor. Nagkataon rin na ang aking kapatid na si Dr. Jasper Philip Dagang ay isang Head and Neck Surgeon, kaya magkatambal kami sa paggagamot ng mga pasyenteng may problema sa thyroid.
_______
Sa aming araw-araw na pagtanggap ng mga pasyente sa clinic, narito ang madalas na tinatanong ng mga pasyenteng may problema sa thyroid. Isa-isa naming sasagutin, alin ang tsismis at alin ang katotohanan?
_______

Kapag may bukol sa leeg, ito ba ay goiter?

Hindi lahat ng bukol sa leeg ay goiter sapagkat ang leeg ng tao ay binubuo ng iba’t ibang mga organs. Ang goiter ay karaniwang matatagpuan sa pinakaharap na bahagi ng leeg at ito ay sumasabay sa pag-galaw tuwing tayo ay lumulunok. Kapag ang bukol naman ay nasa gilid na bahagi ng leeg ito ay maaaring kulani na lumalaki o ibang pang uri ng bukol na pwedeng benign (hindi cancer) o malignant (cancer). Kapag may nakakapang bukol sa leeg, mainam na pumunta sa doktor upang masuri at mabigyan kayo ng tamang payo. Bukod sa physical examination, ang neck ultrasound ay nakakatulong din sa pagtukoy ng sanhi ng bukol sa leeg. Nalalaman sa pamamagitan ng ultrasound kung ito ay goiter o kulani lamang.

Ano ang pinagkaiba ng goiter sa loob at goiter sa labas?

Walang pinagkaiba ang goiter sa loob at goiter sa labas dahil ang thyroid gland ng tao ay iisa lamang ang posisyon sa leeg – ito ay nakapatong sa harap ng tubong dinadaanan ng hangin at boses. Ang kadalasang tinatawag ng mga pasyente na goiter sa labas ay ang malalaking goiter o nodular goiter, isang uri ng goiter na may malaking bukol na napapansin agad kahit tingnan sa malayo. Tinatawag naman nilang goiter sa loob kapag hindi agad napapansin ang mga pagbabago sa leeg. Ang mas mahalagang malaman ay kung ang goiter ba ay toxic o non-toxic. Ito ay base sa laboratory examination sa dugo na Thyroid Stimulating Hormone (TSH) at Free Thyroxine (FT4) sapagkat dito nakasalalay ang paraan ng paggamot ng goiter. Ang toxic goiter ay may sobra sa thyroid hormone, ang non-toxic goiter naman ay may normal o mababang thyroid hormone.

Ang pagkain ba ng root crops ang sanhi ng goiter?

Ang madalas na pagkain ng root crops o lamangugat, o mga gulay na kasama sa goitrogenic food groups tulad ng kamoteng-kahoy, broccoli, repolyo, at cauliflower ay maaaring nakakadagdag sa goiter kapag ito ay sinamahan ng kakulangan ng iodine sa kinakain. Marami sa mga Pilipino ang apektado dahil may mga rehiyon sa ating bansa na iodine deficient o may kakulangan sa iodine. Ang mga halamang ito ay nakitaan ng goitrogens, mga kemikal na humaharang sa pagpasok ng iodine sa thyroid na nagdudulot sa kalaunan ng goiter. Kung may sapat na iodine sa diet, ang pagkain ng mga halamang ito ay hindi naman nagkakapagdulot ng goiter. Marami pang ibang dahilan kung bakit nagkakaroon ng goiter. Nariyan ang may lahi ng goiter sa pamilya; autoimmunity, kung saan inaatake ng sariling immune system ang thyroid; at kung minsan sadyang nangyayari lamang ito nang walang ibang dahilan.

Ang pagkain ng seafood at ang paggamit ng iodized salt ay nakagagamot ba ng goiter?

Ang pagkain ng seafood at paggamit ng iodized salt ay nakakatulong sa paggamot ng goiter kung ang dahilan ng goiter ay ang kakulangan lamang sa iodine. Ang sapat na iodine sa diet ay nakakaiwas din ng pagkakaroon ng goiter. Ngunit may mga uri ng goiter na bawal ang labis na iodine katulad ng Grave’s disease o diffuse toxic goiter. Para sa mga pasyenteng may thyroid cancer, hindi rin gamot ang iodine sa pagkain. Mas mainam na humingi ng payo sa inyong doktor kung kayo ba ay pwede sa mga pagkaing mayaman sa iodine.
_______
Marami sa mga Pilipino ang apektado dahil may mga rehiyon sa ating bansa na iodine deficient o may kakulangan sa iodine.
_______

Ang madalas na pagsigaw ay nagdudulot ba ng goiter?

Ang madalas na pagsigaw ay hindi mismo nagdudulot ng goiter dahil magkahiwalay ang daanan ng boses at thyroid gland. May pambihirang pagkakataon kung saan ang isang taong dati ng may goiter, dahil sa lakas ng pwersa ng pagsigaw, may maliliit na ugat sa loob ng thyroid gland na pumutok at nagkaroon ng hemorrhage o pagdudugo sa loob ng bukol na siyang nagdudulot ng agarang paglaki nito.

Maari bang magbuhat ng mabigat ang may goiter?

Hindi nagdudulot mismo ng goiter ang pagbubuhat ng mabigat dahil ang mga muscle na ginagamit sa pagbuhat ay walang direktang koneksyon sa thyroid gland. Sa muli, may pambihirang pagkakataon kung saan ang isang tao ay mayroon nang goiter at dahil sa lakas ng pwersa sa pagbuhat, may maliliit na ugat sa loob ng thyroid gland na pumutok na siyang nagdudulot ng agarang paglaki ng bukol.

Kapag nagbubuntis lumalaki ba ang goiter?
May mga pagkakataon na lumalaki lalo ang goiter ng mga nagbubuntis. Ito ay may kinalaman sa pagbabago ng mga hormones sa katawan ng babae na dala ng pagbubuntis. Lalo itong napapansin pagkatapos manganak. Kapag nabuntis ang isang babaeng may goiter, mainam na regular na magpakonsulta sa isang endocrinologist para mamonitor ang thyroid hormones habang nagbubuntis. Importante na mayroong balanseng hormones sa katawan para sa kapakanan ng nanay pati na rin ng sanggol na nasa sinapupunan upang hindi ito magkaroon ng problema sa thyroid. Ang pag-ire habang nanganganak ay hindi rin nagdudulot ng goiter. Hangga’t balanse ang hormones ng nanay, maari syang manganak nang normal at hindi kailangan sa pamamagitan ng caesarean section.

Kapag nagpa-biopsy, lalo bang lalala or kakalat yung bukol kung kanser ito?

Isa sa mga importanteng diagnostic test para sa bukol sa thyroid ay ang Fine Needle Aspiration Biopsy (FNAB). Madalas itong pinapagawa ng mga doktor upang malaman kung cancerous ba ang bukol o hindi upang makapagbigay ng maaga at agad na lunas para sa pasyente. Sa FNAB, kumukuha lamang ng maliit na sample sa bukol upang masuri ang laman nito. Kapag benign o hindi cancerous ang bukol, hindi ito kakalat. Kapag cancerous naman ang bukol, kakalat at lalong lalala ito kapag hindi agad nabigyan ng lunas – may biopsy man o wala. Ibig sabihin mas mainam na magpagawa ng biopsy habang maaga upang malaman kaagad kung ang bukol sa thyroid ay kanser ba o hindi. Kapag ito ay lumabas na kanser, mas maagang mapagawa ang opersyon, mas mababa ang pagkakataon na ito ay kumalat.

Lahat ba ng goiter ay kailangang operahan?
Ang tamang lunas para sa goiter ay nakadepende sa uri nito at sa diagnosis ng doktor matapos ang mga pagsusuri. Hindi lahat ng goiter ay kailangang operahan. Kabilang sa iba’t ibang lunas ay ang paginom lamang ng gamot, pagsasagawa ng operasyon, pagbibigay ng radioactive iodine (RAI Therapy), obserbasyon at pagsubaybay lamang, at kung minsan ay kombinasyon ng mga nabanggit na lunas.

Nawawalan ba ng boses kapag naoperahan sa goiter?
Kapag ang rekomendasyon ng doktor ay operasyon para tanggalin ang goiter, isa sa mga pangunahing inaalala ng mga pasyente ay ang pagkapaos o kawalan ng boses. Ang iba ay takot maoperahan dahil baka mawalan ng boses. Ang mga ugat na nagpapagalaw ng boses ng tao ay matatagpuan sa gilid ng larynx o ang tubo na daanan ng hangin at boses kung saan nakapatong din ang thyroid gland. Sa operasyon ng pagtanggal ng goiter, ang pagkawala ng boses ay kasama sa mga panganib na pinapaliwanag ng surgeon sa pasyente dahil sa posisyon ng mga ugat na ito. Ngunit hindi nangangahulugan na mawawala agad ang boses dahil ang maingat na pagtuklas ng mga ito upang hindi mabugbog o maputol ay siyang susi sa ligtas na operasyon. Base sa mga pagaaral, nasa 1% lang o isa kada 100 na pasyenteng inooperahan ang permanenteng nawawalan ng boses, minsan panandalian lamang ito at bumabalik din sa normal pagkatapos ng ilang buwan.

Mayroon bang laser therapy para sa goiter?
Ang madalas na tinawatag ng mga pasyente na laser therapy ay ang Radioactive Iodine Therapy (RAI
Therapy), kung saan hindi laser ang gamit kundi isang uri ng radioactive material na iniinom upang pumasok sa katawan ng tao. Ang RAI ay kadalasan binibigay upang tunawin ang buong thyroid gland para sa may Graves’ disease o diffuse toxic goiter, o para tunawin ang mga natirang cancer cells para sa may thyroid cancer pagkatapos ng operasyon. Kabilang sa mga makabagong teknolohiya sa paggamot ng goiter ang Percutaneous Laser Ablation at Radiofrequency Ablation kung saan tinutunaw ang bukol sa thyroid sa pamamagitan ng light energy at radio waves subalit hindi pa ito ginagawa sa ating bansa.

Nakahahawa ba ang goiter?
Ang goiter ay hindi nakakahawa, ngunit ito ay maaaring mamana. Kadalasan sa mga pasyenteng may goiter ay mayroon ding kamaganak na may parehong karamdaman.

 

See more Endocrine Hotspots Editions at endo-society.org.ph/endocrine-hotspots

Brought to you by the Philippine College of Endocrinology Diabetes and Metabolism (PCEDM)
Website: endo-society.org.ph
IG: @endocsociety
Twitter: @EndoSoc_ph
Facebook: fb.com/filipinoendocrinologists

How useful was this article?

Click on a star to rate it!

Average rating 4.4 / 5. Vote count: 42

No votes so far! Be the first to rate this article.

Since you enjoyed this article

Follow us on social media!

We are sorry that this article was not useful for you!

Let us improve this article!

Tell us how we can improve this article?

Loading

 

Gallery

What is PCEDM?

The PCEDM is a sub-specialty society of the Philippine College of Physicians, a founding member of the ASEAN Federation of Endocrine Societies, and a member of the International Society of Endocrinology.

Learn More >>