THYROID: NECK, NECK MO Ang Radioactive Iodine (Rai) Bilang Gamot Para sa Mga Sakit Ng Thyroid
Nemencio A. Nicodemus Jr., MD, FPCp, DPSEM
ANO ANG KAUGNAYAN NG THYROID AT IODINE?
Ang iodine o yodo ay isa sa pinakamahalagang sangkap na kinakailangan ng thyroid upang maging tama ang pagkilos nito. Ang iodine ay ginagamit ng thyroid gland upang gumawa ng mga thyroid hormones, na kilala rin sa tawag na T3 at T4.
Ang karamihan ng iodine sa ating katawan ay galing sa pagkaing sagana sa iodine, gaya ng mga halamang dagat (seaweeds) tulad ng lato at mga isda at pagkaing dagat (seafoods), tulad ng tahong at talaba. Sa loob ng ating katawan, ang iodine na mula sa mga pagkaing ita ay sumasama sa dugo at pumupunta sa thyroid gland kung saan ita ay pumapasok sa loob ng mga “cells” ng thyroid gland. Ang mga cells ng thyroid gland na may kanser ay kumukuha rin ng iodine mula sa dugo pero hindi kasing-ayos ng mga normal na cells ng thyroid. Ang kakayahan ng mga cells ng thyroid gland na kuhanin ang iodine sa dugo papasok sa loob nito ay ang ginagamit na basihan ng medisina upang gamutin ang mga karamdaman o sakit ng thyroid.
ANO ANG RADIOACTIVE IODINE (RAI)?
Ang isang sangkap ay tinatawag na radioactive kung ito ay naglalabas ng radiation. Ang iodine o yodo ay maaaring mabago upang maging radioactive iodine (RAI) 01-131. Ito ay maaaring ipainom sa mga pasyenteng mayroong karamdaman ng thyroid. Ang RAI, pagkatapos ito inumin, ay pumupunta sa dugo at tumutuloy sa thyroid gland kung saan ito ay pumapasok sa loob ng mga cells ng thyroid gaya ng normal na iodine sa pagkain. Ang radiation na lumalabas sa RAI ay maaaring makasira sa mga cells ng thyroid. Ang sobrang RAI na hindi pumasok sa thyroid ay lumalabas sa katawan sa pamamagitan ng pawis at ihi. Ang RAI ay ligtas na ibigay sa mga taong may allergy sa mga pagkaing dagat (seafoods) dahiI kadalasan ang allergy ay dahil sa pagkain at hindi sa iodine mismo.
ANO ANG GAMIT NG RAI PARA SA PAGGAMOT NG MGA SAKIT NG THYROID?
Ang 1-131 0 RAI ay ginagamit upang sirain o tunawin ang sobrang aktibong thyroid (hyperthyroidism) at maging ang kanser ng thyroid.
Sobrang Aktibong Thyroid o Hyperthyroidism
Maliliit na dosis ng 1-131 (5 – 30 millicuries) lamang ang pinapainom upang tunawin o sirain ang thyroid na sobrang aktibo, gaya nang nakikita sa hyperthyroidism o toxic goiter. Dahil dito ay nawawala ang pagiging aktibo ng thyroid gland at ito ay maaaring hindi na kumilos o gumawa ng mga thyroid hormones (nagiging hypothyroid). Maari din naman gumamit ng 1-131 upang mapaliit ang sobrang malaking goiter, lalo na kung ita ay nagdudulot ng sagabal tulad ng pananakal, paghirap sa paghinga o paglunok. Ang pasyente ay maaring umuwi agad pagkatapos uminom ng 1-131. Subalit may ilang pag-iingat na dapat sundin, gaya nang nakasulat sa ibaba. Karaniwan na nakararanas ng kaunting kirot sa bahagi ng thyroid pagkatapos ng pag-inom ng 1-131 kung ita at ginagamit upang gamutin ang hyperthyroidism o toxic goiter. Maaaring makatulong sa paggamot ng kirot ang pag-inom ng aspirin, ibuprofen o paracetamol. Maaari din umabot nang maraming buwan (kadalasan ay 6 na buwan) bago tuluyang matunaw ang thyroid gland at makita ang epekto ng RAI.
Kanser ng Thyroid
Matapos ang operasyon at pagtatanggal ng thyroid gland na may kanser, ang pag-inom ng RAI ay isa sa maaaring susunod na hakbang. Malalaking dosis ng 1-131(30 – 200 mCi) ang ginagamit upang tunawin ang mga cells ng thyroid pagkatapos ng operasyon. Sa ganitong pagkakataon, ang isang pasyente ay kailangang ipasok sa ospital sa isang espesyal na kwarto kung saan siya ay mag-isa lamang. Ang paglalagi sa ospital ay kadalasang higit sa isang araw subalit hindi lalagpas nang isang lingo. Ito ay upang iwasan ang makihalobilo ang ibang mga tao, lalo na ang mga maliliit na bata na kasama sa bahay. Dahil sa ang ating salivary glands o pagawaan ng laway sa bibig ay nagtitipon din ng iodine, maaaring makaranas ng kirot at pamamaga ng mga ito kapag matataas na dosis ng 1131 ang pinainom, gaya ng sa kaso ng kanser ng thyroid. Ito ay maaaring mabawasan sa pamamagitan ng pagsipsip ng dayap o kalamansi pagkatapos ng gamutan.
Naririto ang kadalasang pinapayong gawain at kung gaano katagal upang maging ligtas sa radiation mula sa RAI ang mga kasama sa bahay at mga tao sa paligid:
• Paglibansa pagpasoksa trabaho – 1 araw
• Huwag sumakay sa eroplano o jeep – 1araw
• Huwag magbibiyahe nang matagal na may katabi sa sasakyan -2- 3 araw
• Magpanatili ng 3 talampakan distansya sa ibangtao – 2- 3 araw
• Uminom ng maraming tubig – 2- 3araw
• Huwag magluto o maghanda ng pagkain para sa ibang tao – 2- 3 araw
• Ihiwalay ang kubiyertos na ginagamit -2- 3araw.
• I-flush ang toilet bowl o inodoro 2 – 3 beses pagkagamit- 2 – 3 araw
• Matulog mag-isa o malayo sa katabi (7 talampakan ang layo-5- 11 araw
Iwasan ang matagalang pagtabi sa mga bata at buntis – 5- 11 araw
Dahil sa ang 1-131 ay naglalabas ng radiation, kailangan gawin ng mga pasyente ang kanilang makakaya upang maiwasan na ma-expose ang ibang tao, lalo na ang mga buntis at maliliit na bata.
ANO ANG PAGMATAGALAN NA EPEKTO NG RAI O 1-131?
Sa pangkalahatan, ang RAI ay ligtas at epektibong gamot para sa mga karamdaman ng thyroid na nabanggit dito. Kung ang RAI ay ginagamit para sa paggamot ng hyperthyroidism o toxic goiter, mahirap maiwasan na ito ay humantong sa hypothyroidism. Kung gayon, ang pagkakaroon ng hypothyroidism ay kailangan bantayan at gamutin agad sa pamamagitan ng pag-inom ng levothyroxine o thyroid hormone. Maaari din makaranas ng pansamantalang paglala ng hyperthyroidism sa mga unang araw o linggo. Mahalagang tandaan na ang isang pasyenteng napainon ng RAI ay dapat na may regular na eksaminasyon at checkup sa kanyang endocrinologist habang buhay.
Ang mataas na dosis ng RAI na ibinibigay upang gamutin ang kanser ng thyroid ay maaaring magdulot ng permanenteng problema sa salivary glands o pagawaan ng laway sa bibig na magdudulot ng pagkawala ng panlasa at panunuyo ng bibig. Subalit may mga pagiingat na dapat gawin upang maiwasan ito, gaya ng pagsipsip sa kalamansi o dayap pagkatapos uminom ng RAI. Ang bilang ng dugo ay maaaring pansamantalang maapektuhan din.
Ang mga lalaking uminom ng RAI ay maaaring magkaroon ng pagbaba ng sperm count o bilang ng semilya at pansamantalang paghina ng kakayahang makabuntis sa loob ng hanggang dalawang taon.
ESPESYAL NA PANGANGALAGA SA MGA KABABAIHAN
Ang RAI ay hindi dapat ibinibigay sa mga pasyenteng buntis o nagpapasuso. Ang pagbibigay ng RAI habang buntis ay maaaring makasira sa thyroid gland ng lumalaking sanggol sa sinapupunan. Kapag ang RAI naman ay ibinigay sa nanay na nagpapasuso, ito ay maaaring humalo sa gatas n’g ina at mainom ng sanggol. Dapat iwasan ang magbuntis sa loob ng 6 hanggang 12 buwan pagkatapos ng pag-inom ng 1-131 dahil sa ang mga obaryo ay na-expose din sa radiation. Ang mga kababaihang hindi pa umaabot sa menopause ay pinapayuhang makipag-usap sa kanilang mga doktor ukol sa mga pagiingat na nabanggit. Walang malakas na ebidensya na nagsasabing ang RAI ay maaaring magdulot ng pagkabaog sa mga kababaihan.
ESPESYAL NA PANGANGALAGA SA MGA KALALAKIHAN
Ang mga lalaking uminom ng RAI ay maaaring magkaroon ng pagbaba ng sperm count o bilang ng semilya at pansamantalang paghina ng kakayahang makabuntis sa loob ng hanggang dalawang taon. Maaaring pag-usapan ng doktor at pasyente ang posibilidad na maglagak ng semilya sa sperm bank kung inaasahan ang pag – inom ng maramihang dosis ng RAI sa mga pasyenteng may kanser sa thyroid.
Ang radioactive iodine (RAI) 0 1-131ay isa sa mga napakahalagang gamot sa mga karamdaman ng thyroid gland. Maiiwasan ang labis na takot at pag – aalala kung ang isang pasyente ay may tamang kaalaman ukol sa epekto nito sa katawan. Kausapin ang inyong endocrinologist ukol sa mga tanong sa inyong isipan na hindi pa nasagot sa artikulong ito.
See more Endocrine Hotspots Editions at endo-society.org.ph/endocrine-hotspots
Brought to you by the Philippine College of Endocrinology Diabetes and Metabolism (PCEDM)
Website: endo-society.org.ph
IG: @endocsociety
Twitter: @EndoSoc_ph
Facebook: fb.com/filipinoendocrinologists