KAKAIBANG ALTAPRESYON – Secondary Hypertension: Unveiling the silence of the’ Silent Killer’ (Para Naman Kay Mommy)
Cecile Anonuevo-Cruz, MD, FPCp, DPSEM
Sa mga nabasa ninyong mga naisulat dito sa Hormone Hotspots, mamamalas na tunay na maraming nagagawa ang mga hormones sa ating katawan. Ang isa sa mga natural na pangyayari sa katawan ng mga babae na higit na nangangailangan ng samu’t saring hormones ay ang pagbubuntis. Ang mga tinatawag na pregnancy hormones ay kailangan upang maitaguyod at mapanatiling maayos ang paglaki ni Baby sa loob ni Mommy. Ngunit sa ibang pagkakataon, maaring magdulot ang mga hormones ng pagbabago sa katawan ni Mommy na maaring mauwi sa pagkakaroon ng high blood sa pagbubuntis – ang karaniwan nating naririnig na preeclampsia.
Ang Sakit na Preeclampsia
Ang preeclampsia ay kadalasang nangyayari sa kalagitnaan ng pagbubuntis, simula ng ika-20 na linggo ng pagbubuntis 0 sa pagitan ng ika-5 hanggang ika-6 na buwan. Mapapansin na si Mommy ay mataas ang blood pressure (140/90 pataas), nagmamanas, at may protein na makikita sa urinalysis.
Maliban sa mga ito, madalas din nakakaranas ng matinding pananakit ng ulo ang mga Mommy na may preeclampsia. May mga nagkakaroon ng pagbabago sa paningin, tulad ng panlalabo, pagkasilaw, o pansamantalang pagkabulag. Sa iba, may nananakit ang tiyan sa bandang ilalirn ng tadyang sa bandang kanan, pagduduwal o pagsusuka, at pagkahilo. Mapapansin na ang mga sintomas ng preeclampsia ay katulad ng mga sintomas ng paglilihi, ngunit ang preeclampsia ay nararamdaman kasama ng pagtaas ng blood pressure. Kung ang preeclampsia ay sinundan ng pagkukumbulsyon o seizure, ita ay tinatawag na eclampsia.
Sa katunayan, kahit iniisip na ang mga hormones ay maaring may kaugnayan sa preeclampsia, hanggang ngayon ay hindi pa lubos na naiiintindihan ang tunay na sanhi ng sakit na ito.
Ang Mga Maaring Magka – Preeclampsia
Mas malimit na nagkakaroon ng preec/ampsia ang mga Mommy na may edad na mababa sa 20, o higit sa 40; unang beses na nagbuntis; nagbubuntis sa kambal (o higit pa); datihan na nagkaroon ng preeclampsia; mabigat o obese bago mabuntis; at dati nang may diabetes (o may diabetes sa pagbubuntis, ang gestational diabetes), high blood, sakit sa bato, rheumatoid arthritis at lupus. Napansin din ng mga dalubhasa na sa pambihirang pagkakataon, may mga Mommy na nagkakaroon ng preec/ampsia kung sila ay may urinary tract infection (UTI) o kundisyon sa ngipin (periodontal disease) habang buntis, o kakulangan sa vitamin D.
Ang Kalagayan ni Mommy at ni Baby Kapag May Preeclampsia
Kahit may preec/ampsia, karamihan sa mga Mommy ay maluwalhating nanganganak ng malusog na Baby. Malaking tulong ang maayos na control ng blood pressure sa kahihinatnan ng panganganak. Gayunman, may mga pangyayari na maaga sa pagbubuntis lumalabas ang preeclampsia, o malubha ang pagtaas ng blood pressure. Sa pagkakataong ito, mas malaki ang ikapangyayaring sumailalim si Mommy sa Caesarean section para maibsan ang pagtaas ng blood pressure at maiwasan ang peligro kay Baby. Ito ay dahil ang preeclampsia ay nagiging sanhi ng pagkipot ng mga ugat na daluyan ng dugo mula sa inunan ni Mommy papunta kay Baby. Dahil dito, nababawasan ang nakukuhang oxygen at mahahalagang nutrients ni Baby. Maaring bumagal ang kanyang paglaki, at mailuwal siya ng kulang sa buwan, kulang sa timbang, at hirap sa paghinga. Sa ibang Mommy, ang preeclampsia ay maari din maging sanhi ng maagang paghiwalay ng inunan sa matris, bagay na higit na delikado kay Mommy at kay Baby. Isa sa pinakamalubhang kundisyon na dala ng preeclampsia ay ang HELLP syndrome, isang kalagayan na nakakaapekto sa pula ng dugo, atay, at platelets ni Mommy. Bukod dito, napansin din na ang pagkakaroon ng sakit sa puso at ugat ng katawan ay mas mad alas nangyayari sa mga Mommy na nagkaroon ng preec/ampsia noong araw.
Ang Takdang Gawain ni Mommy
Hindi makakaila na ang maaga at regular na pagpapatingin ni Mommy sa duktor ay isa sa mga susi sa pagtunton at agarang paggamot sa preeciampsia. Karaniwang pinapayo ang pagpapagawa ng mga test katulad ng urinalysis o di kaya’y 24 hour urine collection. Ang fetal ultrasound, nonstress test at biophysical profile ay ginagawa para masuri ang kalagayan ni Baby.
Sa mga Mommy na nagpaplano pa lang na magbuntis, mahalagang panatilihing nasa maayos ang blood pressure. Kasama nito ang pagbawas ng pagkain ng maalat at pagbawas ng timbang kung overweight o obese. Ang pagtigil sa pag-inom ng alak at paninigarilyo ay higit na makakabuti – kahit hindi pa nabubuntis! Kung dati nang may high blood si Mommy, mahalagang sumangguni kay duktor upang malaman kung paano makakaapekto ang pagbubuntis sa katawan, at kung may pagbabago sa mga gamot sa high blood na kailangan bago mabuntis.
Ang mahalagang assignment ni Mommy ay ang lagiang pag-exercise dahil ito ay nakakatulong sa pag-iwas ng karamihan ng mga sakit, at pagtulong sa pag-control ng blood pressure. Ang mga exercise na ito ay maaring gawin ng nagbabalak na maging Mommy, ni Mommy na kasalukuyang nagdadalangtao, at maging si Mommy na nanganak na noong nakaraang buwan o noong araw pal (Siguraduhin lang na may payo ng duktor upang malaman kung ang mga ito ay angkop sa inyo.)
Neck Relaxer
Umupo ng maayos at tuwid ang likod sa isang upuan. Ipikit ang mga mata, huminga ng malalim, at ibaling ang ulo papunta sa kanang balikat. Dahan – dahang ilapit ang ulo paharap at papunta sa kaliwang balikat, na parang gumuguhit ng kalahating bilog. Panatilihin ang puwesto ng limang segundo, at ulitin ng apat na beses. Ulitin na nagsisimula sa kaliwa.
Dromedary Droop
Pumuwesto ng nakatuwad at nakaluhod habang pinapanatiling diretso at nakalinya ang likod at ulo.
•Ikuba ang likod habang hinahayaang yumuko ang ulo. Panatilihin ang puwesto ng limang segundo, at ulitin ng sampung beses.
Tailor Stretch
Umupo sa puwestong cross-legged habang nananatiling tuwid ang likod. Itaas ang mga kamay at hali-haliling dumukwang ang kanan at kaliwa na tila may inaabot. Uliting ng sampung beses.
Leg Lifts
Humiga ng patagilid sa kaliwa habang nananatiling nakalinya ang balikat, balakang at tuhod. Suportahan ang ulo gamit ang kaliwang kamay, habang nakatiklop sa may dibdib ang kanang kamay. Huminga palabas habang itinataas ang nakaunat na kanang binti hangga’t sa makakaya. Huminga paloob habang binababa ang kanang binti. Ulitin ng sampung beses. Gawin ng nakahiga ng patagilid sa kanan at ulitin ng sampung beses.
See more Endocrine Hotspots Editions at endo-society.org.ph/endocrine-hotspots
Brought to you by the Philippine College of Endocrinology Diabetes and Metabolism (PCEDM)
Website: endo-society.org.ph
IG: @endocsociety
Twitter: @EndoSoc_ph
Facebook: fb.com/filipinoendocrinologists