Sa Pagkontrol ng Diabetes…APAT DAPAT
Sheryl N. Tugna, MD
Ako ay nagsimula ng aking practice bilang isang Endocrinologist nung 2014. Ang bawat pasyente na may diabetes na nakikita ko ay nagtatanong kung ano ba ang mabisang paraan para gumanda ang kanilang blood sugar. Dahil dyan, nakaisip ako ng apat na simple ngunit epektibong paraan upang makatulong na bumuti ang blood sugar. Parati ko din sinasabi na upang maging successful ang pag kontrol ng blood sugar, hindi maaaring alisin ang alin man sa apat na ito. Upang mas madaling tandaan ,ito ay tinawag ko na APAT DAPAT. Ito ay binubuo ng pagkain ng wasto, ehersisyo, regular na paggagamot at regular check-up sa isang doktor na eksperto sa diabetes.
Karaniwan ng sinasabi ng mga pasyente na kaysa uminon ng gamot sa Diabetes, sila daw ay mag “diet and exercise” muna. Karaniwan din sinasabi kapag mataas ang kanilang blood sugar ay “napakain” lang daw sila. Totoo na importante ang wastong pagkain at ehersisyo sa pagpapababa ng blood sugar ngunit ito ay hindi sapat upang makontrol ang blood sugar.
1. Pagkain ng Wasto
Ang masustansya at nasa oras na pagkain ay makakatulong upang maging normal ang blood sugar. Importante din na ang dami ng kain ay naaayon sa level ng activity ng isang tao. Ang isang taong parating kumikilos o naglalakad ay mangangailangan ng mas madaming enerhiya mula sa pagkain kaysa sa isang taong maghapon na nakaupo.
Piliin ang gulay, prutas, isda at mga pagkaing mataas ang “fiber”. Iwasan ang alak at beer, mga inuming matatamis gaya ng fruit juice, iced-tea, milk-tea at energy drink. Mas makakabuti ang pag-inom ng tubig.
Ang minsan na pagkonsulta sa isang nutritionist o dietitian ay makakatulong upang malaman ang bilang or portion ng pagkain na maaring makonsumo.
2. Ehersisyo
Ang ehersisyo ay napatunayan na nakakapagpababa ng blood sugar dahil ito ay nakakatulong laban sa “insulin resistance.” Hindi kailangan gumastos upang makapag ehersisyo. Maaring magbisikleta, jogging o kaya ay mabilis na maglakad sa loob ng 30 minuto o higit pa araw-araw. Kung umuulan naman, maaring gawin ito sa loob ng bahay. Madaming exercise at dance videos sa youtube na maaring sundan. Siguraduhin din na ligtas ang pag-eehersisyo at hindi magkakasugat dahil dito.
Sa panahon ngayon, madami tayong nababasa tungkol sa gamot na mabisa o kaya paraan ng pagpapayat upang ma-kontrol ang Diabetes lalo na sa social media. Minsan ang mga payo ay nanggagaling sa ating kamag-anak, kapitbahay, katrabaho o kaya sa ating paboritong artista. May mga kung ano-anong dahon, herbal, prutas at juice at iba pang supplement na sinasabing mabisa daw na pampababa ng blood sugar. Ngunit lahat ba ito ay tama at dapat natin paniwalaan?
3. Araw araw na paggagamot
Ang araw-araw na paginom ng gamot o pagineksyon ng insulin ay napakaimportante sa pagpapanatili ng normal na blood sugar. Hindi madaling gawin ito ngunit lagi nating tandaan na ito ay makakatulong upang makaiwas sa komplikasyon dulot ng uncontrolled blood sugar. Kung sa tingin ay magastos ang pagbili ng gamot, ito ay mas maliit pa din kumpara sa perang
uubusin kung magka komplikasyon na. Maari namang kausapin ang inyong doktor para sa alternatibong gamot na mas mura.
Karaniwan kong nadidinig sa aking mga pasyente ang ilang mga haka-haka tungkol sa mga gamot sa diabetes gaya ng:
“Nakakasira ng bato o “kidney” ang Metformin”
– Ang nakakasira ng bato o “kidney” ay ang mataas na blood sugar at blood pressure. Ang side effect ng Metformin ay pagsakit ng tiyan o kaya ay diarrhea.
“Kapag naka-insulin na ay malala na ang Diabetes”
– Ang insulin ay isang uri ng gamot sa diabetes na iniineksyon sa kadahilanang hindi ito maaring inumin. Sa taba ng katawan ito nilalagay upang maging epektibo.
“Iniiwasan ko uminom ng gamot dahil may epekto ito sa atay”
– Karamihan ng gamot ay hindi masama sa atay. Kung ito ay nireseta ng iyong doktor, ito ay tiyak na safe sa iyo.
4. Regular na pagkonsulta sa Diabetes doctor o endocrinologist
Ang regular na pagbisita sa doktor ay mahalagang bahagi ng “Apat Dapat.”
Ang inyong doktor ay inyong gabay sa gamutan sa diabetes. Ang ilan sa mga sinisigurado ng doktor ay ang mga sumusunod:
– Pagkaroon ng normal na blood sugar, blood pressure at cholesterol.
– Ang pagkain ng wasto, regular na ehersisyo at pag-inom ng gamot. Kasama din dito ang paghihikayat na iwasan ang pag-inom ng alak at paninigarilyo.
– Regular na pagcheck ng blood sugar
Ang pagkakaroon ng Diabetes ay hindi madali. Nandyan ang gastos sa pagbili ng gamot at blood tests. Kasama din dito ang pangamba ng pagkakaroon ng komplikasyon. Sa panahon na laganap ang social media ay madami tayong impormasyon na nababasa o nadidinig ngunit hindi lahat ay maaring paniwalaan lalo na kung ito ay may mga produktong binebenta o tinitinda. Madaming “Diabetes supplement” sa tindahan na hindi dumaan sa masusing pag-aaral kung tunay nga bang nakakapag-pababa ng blood sugar at kung ito ay safe na inumin.
Wala namang magic formula upang maging normal ang blood sugar. Talagang kailangan ang disiplina at tamang pag-gabay at desisyon upang maiwasan ang komplikasyon. Ang pagsunod sa apat na simpleng paraan ay malaki ang maitutulong upang manatiling aktibo at malakas sa kabila ng pagkakaroon ng Diabetes.
See more Endocrine Hotspots Editions at endo-society.org.ph/endocrine-hotspots
Brought to you by the Philippine College of Endocrinology Diabetes and Metabolism (PCEDM)
Website: endo-society.org.ph
IG: @endocsociety
Twitter: @EndoSoc_ph
Facebook: fb.com/filipinoendocrinologists