Pangingimay, Pangangapal, at iba pang Problema sa Nerves ng Isang Diabetic
Panayam kay Neurologist Dr. Alvin Rae Cenina
Hannah C. Urbanozo-Corpuz, MD
TANONG: Bakit nagkakaroon ng nerve damage ang mga diabetic?
SAGOT: Maraming posibleng komplikasyon ang pagkakaroon ng diabetes lalo na kung ang blood sugar ay hindi nakokontrol, at isa na dito ang nerve damage. Ayon sa pag-aaral, ang pagkakaroon ng nerve damage sa mga taong may diabetes ay sanhi ng metabolic changes at toxic na epekto na dulot ng hyperglycemia o mataas na blood sugar na nagdudulot ng oxidative stress na siyang nakakasira sa nerves. Nagkakaroon din ng pagkapal ng mga maliliit na blood vessel wall kaya kumokonti at pumapangit ang supply ng dugo at nutrients na nagdudulot ng perwisyo at unti- unting pagkasira sa iba’t ibang bahagi ng katawan kabilang na ang mga nerves.
TANONG: Ano ang mga madalas na sintomas ng nerve damage sa diabetes?
SAGOT: Pamamanhid, malamig o mainit na pakiramdam, may tumutusok-tusok, o parang may dumadaloy na kuryente ang ilan sa mga madalas na inerereklamo ng mga pasyenteng may nerve problems. Minsan may kasamang sakit ang mga pakiramdam na ito na tinatawag nating nerve pain. Ang nerve pain ay naiiba sa katangian ng muscle / joint pain na karaniwang inilalarawan na mabigat o makirot at nakikita sa mga taong may arthritis, may mga pasa o sugat mula sa aksidente at iba pa.
Ang karaniwang unang naaapektuhan ng nerve damage sa diabetes ay ang mga talampakan ng paa at palad ng kamay. Kaya mainam na routine na nasusuri ang mga paa upang makita kung ito may mga sugat na hindi namamalayan ng pasyente sapagkat, kapag napabayaan, ito ay maaaring lumala at hindi na makakayanan ng antibiotiko. Ito ay maaaring mauwi sa pagputol ng paa o binti.
Minsan naaapektuhan din ang lakas ng muscle kapag nasira na din ang nerves para sa pagkilos. Maaaring lumiit at manghina ang mga muscle sa pagkakataong ito.
TANONG: Nagagamot pa ba ang nerve damage sa diabetes?
SAGOT: Kapag nadiagnose na ang isang tao ng “diabetic neuropathy” matapos ang sapat na pagsusuri, ang damage sa nerves ay malabo nang ma-reverse. Habang ang katawan ay nagtatangkang i-repair ang na-damage na nerves, ang prosesong ito ay mabagal at hindi sapat upang maibalik ang nerves sa dati nitong normal na estado.
TANONG: Paano ginagamot ang nerve damage sa diabetes? Maiiwasan ba ito?
SAGOT: Priority ang sugar control ng pasyente. Kung patuloy na mataas ang sugar, magpapatuloy pa rin ang damage sa nerves. Mapapababa ang tsansa ng nerve damage kung mananatiling maganda ang sugar sa tulong ng mga gamot pang diabetes, healthy na diet at exercise.
Para naman mabawasan ang nerve pain, may ilang gamot na maibibigay ang inyong doktor tulad ng Pregabalin at Gabapentin. Makatutulong ito sa mga nerve pain na may kasamang kuryente o tusok-tusok. Sa kasamaang palad, wala pang gamot na makatutulong para sa manhid o numbness.
TANONG: “Pre-diabetic palang ako – maari ba akong magkaroon ng nerve damage mula sa borderline high na blood sugars?”
SAGOT: Yes. Ang mga pasyenteng pre-diabetic pa lamang o may impaired glucose tolerance ay posible nang makaranas ng nerve damage dahil sa mas mataas na blood sugar kumpara sa normal. Ayon pa din sa mga pag- aaral, habang mas napapalapit sa normal na level ang blood sugar ay maaari pang makontrol ang sintomas ng pre-diabetic patients na may nerve damage. Kaya mahalaga na madiagnose ng maaga ang diabetes upang agarang magamot at maiwasan ang mga komplikasyon nito katulad ng nerve damage.
______________________
Nagtapos si Dr. Alvin Rae Cenina ng kanyang Doctor of Medicine sa University of the Philippines College of Medicine at ng kaniyang Residency training sa Adult Neurology sa UP-Philippine General Hospital. Siya ay sumailalim at nagtapos ng Fellowship training sa Cognitive Neurology and Dementia sa National Neuroscience Institute sa Singapore. Si Dr. Cenina ay kasalukuyang Clinical Associate Professor at Consultant ng Department of Neurosciences sa UP-PGH at nagsisilbing head ng Brain Wellness & Memory Center ng Asian Hospital & Medical Center at Vice Chair ng Dementia Council ng Philippine Neurological Association. Siya ay administrator ng isang health education webpage: @pinoyBrainMD na nagbibigay ng impormasyon ukol sa brain health. Sa kanyang labis na pagmamahal sa neurology, siya ay nakipag-isang dibdib sa isa ring neurologist, si Dra. Dale Moll-Cenina.
Maaring sumangguni kay Dr. Cenina sa:
• Asian Hospital & Medical Center. (Alabang Muntinlupa) Room 703. Phone. 8359019
• Brain Wellness & Memory Center. Phone. 9000-771 loc. 8444
• Manila East Medical Center. (Taytay Rizal) Room 508. Phone. 0000-660 loc. 7508
• Binangonan Lakeview Hospital (Binangonan Rizal) Phone. 9612-836
______________________
See more Endocrine Hotspots Editions at endo-society.org.ph/endocrine-hotspots
Brought to you by the Philippine College of Endocrinology Diabetes and Metabolism (PCEDM)
Website: endo-society.org.ph
IG: @endocsociety
Twitter: @EndoSoc_ph
Facebook: fb.com/filipinoendocrinologists