It’s Steroid Time! Munting kaalaman patungkol sa benepisyo at epekto ng steroids
Maria Concepcion H. Gungon
Ano ang steroids?
Ang “steroid” ay isang uri ng kemikal, kadalasan ay tinatawag na hormone, na ginagawa ng ating adrenal gland na tumutulong paganahin ang iba’t-ibang sistema ng ating katawan. Ang terminolohiyang “steroids” ay kadalasan naiuugnay sa mga gamot na gawa ng tao sa pamamagitan ng siyensya. Sa pangkalahatan, ito ay nahahati sa dalawang kategorya: ang corticosteroids at ang anabolic steroids.
Ano ang corticosteroids?
Ito ay medisina o kemikal na tumutulong sa ating katawan na labanan ang pamamaga o inflammation. Kadalasan, ang corticosteroids ay ginagamit sa mga kondisyon gaya ng mga sumusunod:
1. Rayuma
2. Hika
3. Chronic Obstructive Pulmonary Disease
4. Lupus
5. Multiple sclerosis
6. Pantal, pangangati o Allergy
7. Sakit sa balat
8. Organ transplant
Ano ang mga side effects ng paggamit ng corticosteroids?
1. Pagtaba
2. Paglobo ng mukha (puffy face)
3. Pagsusuka
4. Pagiging mainitin ng ulo, paibaibang mood (Mood swings)
5. Paghirap sa pagtulog o insomnia
6. Pagnipis ng balat
7. Pagkakaroon ng tigyawat
8. Paglago ng buhok
9. Pagtaas ng presyon
10. Pagtaas ng asukal sa dugo o diabetes
11. Panghihina ng resistensya
12. Pagkarupok ng buto o osteoporosis
13. Pagkabansot sa mga kabataan
14. Adrenal insufficiency
Ano naman ang anabolic steroids?
Ang anabolic steroids ay mga sintetikong substansya na tinutularan ang epekto ng testosterone. Pinalalaki nito ang mga buto at kalamnan at tumutulong na mabuo ang mga seksuwal na katangian ng lalaki. Ito ay nirereseta ng mga doktor sa mga pasyenteng may likas na kakulangan ng hormone na ito, gayundin sa mga may kanser, AIDS at iba pang mga sakit. Kadalasan, ito ay inaabuso ng mga bodybuilders at mga modelo upang mapabilis ang paglaki ng katawan at magmukhang macho, samantalang ang mga atleta naman ay ginagamit ito upang mapaliksi ang kanilang paglalaro.
Ayon sa American Academy of Family Physicians, base sa datos ng Estados Unidos, humigit kumulang 1 milyong kabataan edad 12 hanggang 17 taong gulang ang gumagamit ng walang payo ng doktor ng mga gamut at suplemento na may lamang anabolic steroids upang mas mapaganda ang kanilang katawan at lumiksi ang paglalaro.
Ano ang mga side effects ng paggamit ng anabolic steroids?
1. Pagkakaroon ng tigyawat
2. Pagmamanas
3. Kakulangan ng testosterone matapos gamitin ng pangmatagalan ang anabolic steroids na nagdudulot ng pagkabaog, maliit na testicles, mababang bilang ng sperm, at pagkakaroon ng suso sa mga kalalakihan
4. Sa mga kababaihan, ito ay nagdudulot ng pagkakalbo, pagkakaroon ng bigote at balbas, iregular na dalaw ng regla at pagbaba ng boses
5. Pagkabansot
6. Mood swings
7. Pagkasira ng atay at bato
8. Pagtaas ng LDL o bad cholesterol na nagdudulot ng panganib na atakihin sa puso at stroke o “brain attack”
Ang paggamit ng steroids sa panggagamot ng mga pasyente ay tunay na nagdudulot ng kagalingan at lunas sa mga iba’t-ibang karamdaman. Subalit, atin dapat pakatandaan, na anumang bagay na ginamit ng labis ay maaring magdulot ng kapahamakan imbis na kagalingan. Pinapayuhan na kumonsulta sa isang endocrinologist ang pasyente na umiinom ng steroids sa mahabang panahon upang mabigyan ng tamang gabay sa pagbawas at pagtigil nito.
Adapted to WebMD: Bulk up your steroid smarts by Dr. Carol Dersarkissian August 5, 2019
It’s Steroid Time! Munting kaalaman patungkol sa benepisyo at epekto ng steroids
Maria Concepcion H. Gungon
Part of the March 2020 Endocrine Hotspots Edition
See our other Endocrine Hotspots Edition
Brought to you by the Philippine College of Endocrinology Diabetes and Metabolism (PCEDM)
Website: endo-society.org.ph
IG: @endocsociety
Twitter: @EndoSoc_ph
Facebook: fb.com/filipinoendocrinologists