Ang thyroid gland ay isang hugis paru-paro na organ na matatagpuan sa gitnang ibaba ng ating mga leeg. Gumagawa ito ng thyroid hormones, thyroxine o T4 at thyronine o T3 na importante para sa maayos na metabolism ng ating katawan.
Kapag ang thyroid gland ay sobra sa paggawa ng thyroid hormones, ito ay tinatawag hyperthyroidism. Kapag ang thyroid gland ay kulang sa paggawa ng thyroid hormones, ito ay tinatawag na hypothyroidism.
May tatlong paraan para magamot ang hyperthyroidism. Ito ay sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot tulad ng PTU, methimazole, carbimazole at thiamaziole, pagtunaw sa thyroid gland sa pamamagitan ng Radioactive Iodine therapy at operasyon upang tanggaling ang kabuuan ng thyroid gland.
Ang hypothyroidism naman ay ginagamot sa pamamagitan ng pag-inom ng thyroid hormone in tablet form, ang levothyroxine. Kadalasan, ito ay kailangan inumin ng pang-habambuhay.
Sa ngayon, wala pang mga supplements o natural remedies na napatunayan sa mga researches na nakakagamot sa hyper at hypothyroidism.