Ang Mandirigmang Salat sa Sandata: ISANG MUKHA NG TYPE 1 DIABETES

Ang Mandirigmang Salat sa Sandata: ISANG MUKHA NG TYPE 1 DIABETES
Photos: Allan D. Corpuz
Hannah C. Urbanozo-Corpuz, MD

Paano kung isang araw, bigla nalang nagbago ang buhay mo sa paraang hindi mo inaakala, dahil sa mga bagay na hindi mo naman pinili?

Simple lang naman ang gusto mo sa buhay. Hindi mo naman hinangad na sumikat o makamit ang labis na kayamanan. Gusto mo lang na makatapos ng kolehiyo sa suportang bigay ng ama mong namamasada ng tricycle at nanay mong namamasukan sa bahay ng ibang tao. Para isang araw, hindi na nila kailangan gawin yun para lang makakain ng tatlong beses sa isang araw.

Pero – bakit kaya ikaw pa ang napili ng tadhana, na pumasan ng ganitong karamdaman? Type 1 Diabetes Mellitus…sa edad na 16 years old. Kung kailan ang inaatupag ng mga kaibigan mo ay mga pimple nila, crush at GF nila, mga damit nilang ipapakita sa FB, mga grades nila…ikaw naman ilang beses nang itinakbo sa ER na pinaglalaban mo na ang buhay mo…

Na-iisip mo ba ang sarili mo sa ganitong sitwasyon? Imagine mo ngayon ang sarili mo noong ikaw ay 16 y/o, anong ginagawa mo noon? Tayo, sa imahinasyon lang natin mararanasan ang ganitong buhay. Pero para kay John Henry delos Santos, na ngayon ay 27 anyos na – ito ang katotohanan ng kanyang buhay.

Nakilala ko si John Henry sa isang charity hospital kung saan siya nagpapagamot. Pumayag siya na bisitahin namin siya sa kanilang tahanan sa isang barangay sa La Union. Payak ngunit malinis ang kanilang bahay. Sinalubong kami ng kanyang ina, si nanay Florida. Magayak sila sa pakikipag-usap pero may mga luha rin sa pagsagot ng ilang mga katanungan mula kay nanay Florida.

Nalaman namin na noong una, sinikap pa ng mag-anak na ipagamot si John Henry sa pribadong institusyon. Subalit sa dami ng gastusin sa gamot at gamit sa pang-gagamot ng type 1 diabetes, nagpasya ang pamilya na magpatuloy ng pagpapagamot sa charity hospital na malapit sa kanila.

Nang tanungin si John Henry kung ano ang mga hilig niya, agad niyang sagot: “Basketball! Si Lebron James!” Dati palang mahilig sa basketball ang binata, bilang ang kanilang tahanan ay halos katabi lang ng isang basketball
__________________
“Si John Henry, hindi iyan gaya ng ibang mga lalaki, yung ano, hindi ma-ano sa bahay…siya kasi, minsan, pag-uwi ko, nagugulat ako na nalabhan na ang mga damit namin, hindi ko naman inutos. Mabait na anak si John, wala akong pinroblema sa kanya.”
_________________
court. Ngayong mga araw na ito, mahirap na magbasketball para kay John Henry dala ng komplikasyon ng diabetes.

Dagdag ng kaniyang ina: “Si John Henry, hindi iyan gaya ng ibang mga lalaki, yung ano, hindi ma-ano sa bahay…siya kasi, minsan, pag-uwi ko, nagugulat ako na nalabhan na ang mga damit namin, hindi ko naman inutos. Mabait na anak si John, wala akong pinroblema sa kanya.”

Lumipas ang ilang taon at maraming karanasan sa sakit niya, nakasanayan na ni John Henry ang pagmomonitor ng kanyang blood sugars ng pito hanggang walong beses sa isang araw – kada bago kumain at matapos kumain, at tuwing may mararanasan siyang sintomas ng “hypoglycemia” – ang lubos na pagbaba ng blood sugar ng higit sa inaasahan. Ilan sa mga sintomas nito ay ang matinding gutom, pagpapawis ng malamig, pagkahilo at pagkawala ng malay. Ngunit hindi lamang ito ang naranasan ni John Henry – sapagkat minsang nag-agaw buhay na siya nang dahil sa hypoglycemia.

Ika ni Nanay Florida: “Biglaan nalang po (na mawawalan ng malay) – hindi na po niya mararamdaman yung mga gutom o hilo. Minsan kakakain lang niya bigla nalang syang walang malay, tapos pag chineck ko yung blood sugar niya, nasa 40 nalang pala, itatakbo ko na siya sa ospital pag ganoon.”

Hindi naman natakot si John Henry sa kanyang karamdaman, paano? “Alam ko naman na andiyan lang sina mama at papa, naaalagaan nila ako.” At ipinakita niya ang kabuuan ang loob sa pamamagitan ng pagtatapos sa kolehiyo noong 2013 bilang Bachelor of Science in Industrial Education sa Don Mariano Marcos Memorial State University.

“Teacher ka pala John Henry!” ika ko. “Opo.” Sagot niyang may hiya pa sa kaniyang pagngiti.

Noong naging madalas ang paghahypoglycemia ni John Henry, napagtanto na mataas na pala rin ang kanyang creatinine, at bago pa roon ay napansin niyang mabula ang kanyang ihi at may kaunting pagmanas na sa kanyang mukha sa pag-gising palang sa umaga. Ipinaliwanag sa kanila noon na kakailanganin na ni John Henry mag dialysis. Subalit dahil sa lubos na kapos ang mag-anak, ipinagpasaDiyos muna nila ang desisyon at umasang hindi pa mauuwi sa ganoon si John Henry.

Kasabay ng madalas na atake ng hypoglycemia, kinailangan ni Nanay Florida na tumigil sa pamamasukan bilang stay-in na kasambahay at tumanggap na lamang ng mga trabaho gaya ng labahin at paminsang stay-out na gawaing bahay para mas matutukan si John Henry.

Ngunit, nagkataon na isang gabi noong 2018, inatake ng matinding hypoglycemic episode si John Henry, nawalan ng malay sa bahay at tila ba tumigil sa paghinga pa. Hindi gaya ng dati na alam ni Nanay Florida na magigising pa ang kanyang anak. Mag-isa niya at dali-daling binuhat ang kanyang anak, isinakay sa tricycle at dinala sa regional hospital, kung saan siya ay napag-alamang “coded” – walang kusang hininga, walang BP, walang tibok ang puso – sa madaling salita, namatay si John Henry.

“Noong mga panahong iyon – sabi ko sa doktora sa ER – dok, kung wala na ang anak ko wag na natin pilitin. Iyak ako nang iyak, Diyos ko, hindi ko na alam ang desisyon ko. Mabuti nalang kilala ako nung doktor – isa sya sa mga dating doktor ni John Henry. Sabi niya noon sa akin – ‘Nanay, ako ito, si Dra Mae, nanay, tubuhan natin si John Henry, gawin natin lahat!’ At heto doktora, alam naman natin ang nangyari – nabuhay siya, na-survive niya yun! Laking pasalamat ko na si Dra Mae ang nandoon nung gabing iyon.”

Matapos ang karanasang iyon, napagdesisyunan ng mag-anak na ituloy na ang pagpapadialysis. Dito lalong nabaon sa pinansyal na kahirapan ang mag-anak. Sa puntong ito lalong lumuha ang ina nang kaniyang isalalay ang karanasan ng pangungutang kahit sa 5-6 na malaki ang interes at pagbebenta ng kung ano-ano para lang maitawid ang mga pangangailangan ng anak na may sakit.

Makikitang naghahalo ang awa at sakit sa mga mata ng binata habang pinakikinggan ang ina. Lahat ng damdamin, nakakubli sa ilalim ng tibay ng kanyang panlabas na anyo.

Matapos ang aming panayam, pinabaunan pa kami ng mag-anak ng kakanin, isa sa mga luto nilang binebenta. Naghanda pa rin sila, kahit na paulit-ulit ko nang sinabi na wag nang mag-abala. Binili nalang namin ang isang bilao.

Nang ako’y makabalik sa sasakyan kong komportable, hinayaan ko nang madurog ang puso ko ng tuluyan at di ko na napigilan ang pagluha, at tila naging napakababaw ng kung ano man ang pinoproblema ko noong mga panahong iyon.

Paano pa, paano pa kami makakatulong?

Siguro, isang paraan na ang paghayad ng kwento niya dito.

Siguro, tingnan natin si John Henry at ang kanyang magulang – mga mandirigmang salat sa sandata, na patuloy na lumalaban para mabuhay.

Bakit? Dahil para sa kanila, napakabuti ang mabuhay – sa kabila ng matinding kakulangan, nakikita nilang mabuti ang Diyos sa kabila ng lahat at sa kanilang mga mata, sapat na na magkakasama silang mag-anak, ke maiksi o mahaba pang panahon ang ibigay sa kanila na sila ay buo pa. Sa kanilang isipan – hindi sila salat, basta kumpleto silang mag-anak.

Si John Henry ay isang tao na nasa sitwayson na maiintindihan ko kung nagkaroon na ng depresyon o gumawa man ng hindi kanaisnais dala ng galit o desperasyon. Subalit hindi siya ganito. Wala siyang bahid ng pagkaawa sa sarili o galit sa mundo. Wala siyang pinupulaan, o nirereklamo. Hindi niya nakikita ang katiwalian ng mundo, hindi siya naiinggit sa kung anong meron ang iba. Masyadong maiksi ang buhay para pag-isipan pa ang mga bagay na ganoon.

Marami tayong matututunan sa pagtingin kay John Henry at pagkilatis ng kung paano niya tinutugunan ang mga problema sa buhay – isang tunay na mandirigma.

 

See more Endocrine Hotspots Editions at endo-society.org.ph/endocrine-hotspots

Brought to you by the Philippine College of Endocrinology Diabetes and Metabolism (PCEDM)
Website: endo-society.org.ph
IG: @endocsociety
Twitter: @EndoSoc_ph
Facebook: fb.com/filipinoendocrinologists

How useful was this article?

Click on a star to rate it!

Average rating 0 / 5. Vote count: 0

No votes so far! Be the first to rate this article.

Since you enjoyed this article

Follow us on social media!

We are sorry that this article was not useful for you!

Let us improve this article!

Tell us how we can improve this article?

Loading

 

Gallery

What is PCEDM?

The PCEDM is a sub-specialty society of the Philippine College of Physicians, a founding member of the ASEAN Federation of Endocrine Societies, and a member of the International Society of Endocrinology.

Learn More >>