IODINE: Ating Alamin
by Elaine C Cunanan MD, FPCP, FPCEDM
Ano ang iodine at para saan ito?
Ang iodine ay isang mineral na kailangan ng ating katawan upang makabuo ng thyroid hormones. Ang thyroid hormones ay mahalaga sa pang-araw-araw na katungkulan at metabolismo ng ating katawan. Ang thyroid hormones ay mahalaga din sa normal na pagsulong ng utak ng mga musmos. Mahalaga na may sapat na iodine lalo na sa mga buntis at mga musmos.
_________________
Gaano karami ang kailangan na iodine ng isang tao?
Ang Institute of Medicine ay nagtakda ng Recommended Dietary Allowance (RDA) para sa iodine bawat araw depende sa edad at kung buntis at nagpapasuso
Kinakailangang iodine bawat araw
Sanggol hanggang 6 buwan ……………. 110 micrograms
Sanggol 7-12 months ……………. 130 micrograms
Bata 1-8 years old ……………. 90 micrograms
Bata 9-13 years old ……………. 120 micrograms
14-18 years old ……………. 150 micrograms
18 years old at pataas ……………. 150 micrograms
Buntis ……………. 220 micrograms
Nagpapasuso …………….290 micrograms
Mas mataas ang kinakailangang iodine ng mga buntis at nagpapasuso kaya sila ay binibigyan ng multivitamins na naglalaman ng iodine.
Anong mga pagkain ang mayaman sa iodine?
Ang iodine ay likas na natatagpuan sa ilang pagkain. Ang sumusunod ay halimbawa ng mga pagkaing mayaman sa iodine:
– Isdang dagat (tuna, bakalaw), seaweed o damong – dagat, hipon, at iba pang pagkaing – dagat
– Gatas ng baka, keso, yogurt
– Itlog
Ang iodine ay dinadagdag din sa asin na tinatawag na “iodized salt”. Ang Department of Health ay naglalagay ng “Saktong Iodine sa Asin” seal sa mga binebentang asin na sapat ang nilalamang iodine. May mga multivitamins din na naglalaman ng iodine.
Paano pag kulang ang iodine sa katawan?
Kung hindi sapat ang iodine sa katawan, hindi makagagawa ng sapat na thyroid hormone. Ang kakulangan sa iodine ay pwedeng magdulot ng bosyo o paglaki ng thyroid gland. Maaari ding magdulot ng “mental retardation” (“lower-than-average IQ”) o “mabagal na pag-unlad ng isip” at “stunted growth” o “pagkabansot” sa mga bagong silang kung ang ina ay masyadong kulang sa iodine nung siya ay nagdadalangtao.
Posible bang makasama ang sobrang iodine?
Hindi rin mabuti ang sobrang dami namang iodine sa katawan mas lalo na sa mga taong may sakit sa thyroid gland. Ang sobrang iodine ay maaaring magdulot ng pagkalala ng sintomas ng mga pasyenteng may “hyperthyroidism”.
Pinanggalingan ng mga datos: Iodine fact sheets for consumers. National Institutes of Health Office of Dietary Supplements. Updated: February 17, 2016. Retrieved from https://ods.od.nih.gov. Iodine deficiency. American Thyroid Association website. Retrieved from https://www.thyroid.org.
See more Endocrine Hotspots Editions at endo-society.org.ph/endocrine-hotspots
Brought to you by the Philippine College of Endocrinology Diabetes and Metabolism (PCEDM)
Website: endo-society.org.ph
IG: @endocsociety
Twitter: @EndoSoc_ph
Facebook: fb.com/filipinoendocrinologists