Ang pangkaraniwang hypertension ay dulot ng pagsisikip ng mga ugat na dinadaluyan ng dugo. Ito ay pinapasidhi ng katandaan, pagkain ng maaalat na pagkain at sakit ng mga organs gaya ng puso at bato.
Ngunit may tinatawag din na ENDOCRINE HYPERTENSION. Ito ay karaniwang nagmumula sa mga sakit ng adrenal glands. Ang adrenal glands ay 2 glands sa tuktok ng mga bato o kidneys. Mahalaga ang mga ito dahil sila ang gumagawa ng stress hormone (cortisol), salt-conserving hormone (aldosterone), minor sex hormone (androgen) at fight-or-flight hormone (adrenaline).
Maaaring magkaroon ng maliit na bukol (adenoma) o ng buong paglaki (hyperplasia) ang adrenal gland. Ang tatlong pangunahing adrenal disorders na nagdudulot ng mataas na presyon ay ang mga sumusunod:
- Primary aldosteronism – labis na paggawa ng aldosterone
- Cushing’s syndrome – labis na paggawa ng cortisol
- Pheochromocytoma – labis na paggawa ng epinephrine o mas kilala bilang adrenaline
Ang pangunahing paraan upang maibalik sa normal ang blood pressure ay operasyon kung ang dahilan ng endocrine hypertension ay bukol sa adrenal gland. Ngunit kung ang operasyon ay hindi posible, mayroon din namang mga gamot para makontrol ang taas ng blood pressure.
Narito ang mga palatandaan na maaaring hindi lamang simpleng hypertension ang dahilan ng pagtaas ng blood pressure.
- Hindi makontrol na blood pressure kahit gumagamit na ng 3 o higit pang anti-hypertensive medications.
- Systolic blood pressure na mahigit sa 180 mmHg o diastolic blood pressure na mahigit sa 120 mmHg o madalas na pagkakaroon ng hypertensive urgency/emergency.
- Pagsisimula ng hypertension sa mas bata (<20 years old) o mas matandang edad (>50 years old)
- Masidhing komplikasyon gaya ng stroke sa batang edad.
- Mga kakaibang sintomas gaya ng matinding pagsakit ng ulo, pagkahilo o labis na pagsama ng pakiramdam tuwing tumataas ng blood pressure.
- Mga kakaibang palatandaan gaya ng pagbigat ng timbang, pagbabago ng mukha o pagkakaroon ng mga purple stretch marks sa tiyan.
- Pagkakaroon ng mga abnormal na laboratory tests gaya ng mababang potassium.
Hindi karaniwan ang endocrine hypertension kung ihahambing sa primary hypertension. Maaaring 1 lamang sa 15 na may hypertension ang may problema sa adrenal gland. Subalit kailangan itong malaman kaagad upang mabigyan ng tamang gamutan o operasyon.