Bilang Pilipino, karaniwang bahagi ng ating pang araw-araw na pagkain ang kanin. Ito ay nakaukit na din sa ating kultura. Huwag mag-alala, ang isang taong may diabetes ay maari pa ding kumain ng carbohydrates tulad ng kanin at tinapay. Mahalaga ang mga carbohydrates bilang pinagkukunan ng enerhiya ng tao. Ngunit, nararapat na maging mapagmatyag sa dami ng carbohydrates na kinakain sapagkat ang mga carbohydrate ay na-poproseso at nananatili sa katawan bilang asukal. Samakatuwid, ang pagkain ng labis na carbohydrates ay nakakapagpataas din ng asukal sa dugo.
Ang mga indibidwal na may diabetes ay inaabisuhan na kumain lamang ng 45 hanggang 60 grams ng carbohydrates bawat meal. Maraming pwedeng pagmulan ang carbohydrates sa bawat meal tulad ng kanin, tinapay, cereal, bihon, pasta, starchy vegetables tulad ng patatas, cassava, peas, squash, beans, mga prutas, at iba pa. Mahalaga na alamin natin ang dami ng carbohydrates sa ating kinakain. Ang rekomendasyon ay sa bawat meal (almusal, tanghalian, at hapunan), ang isang indibidwal na may diabetes ay kakain ng ½ tasa ng kanin na katumbas ng 23 grams ng carbohydrates at 92 calories. Ilang mga pagkain na maaring kainin sa halip na kanin na kapareho din ng dami ng carbohydrates ay kalahating piraso ng mais, isang piraso ng suman sa ibos, 3 piraso ng pandesal , 2 piraso ng whole wheat bread o isang tasa ng noodles, bihon, spaghetti o macaroni.
Pinapahintulutan ang mga taong may diabetes na kumain ng carbohydrates, ngunit kailangan maging mapanuri sa dami ng kinakain at sa epekto nito sa lebel ng asukal sa katawan.
References:
- Food and Nutrition Research Institute Nutritional Handbook for Persons with Diabetes. (2008).
- Toolkit No. 14: All About Carbohydrate Counting. (2009). American Diabetes Association. www.diabetes.org.
- Gray A, Threlkeld RJ. Nutritional Recommendations for Individuals with Diabetes. [Updated 2019 Oct 13]. In: Feingold KR, Anawalt B, Boyce A, et al., editors. Endotext [Internet]. South Dartmouth (MA): MDText.com, Inc.; 2000-. Available from: https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK279012/.